Lupon ng Drakhan

Ang unang lupon ay kinilala bilang lupon ng Drakhan. Ang karamihan ng bumubuo sa lupon na ito ay nagmula sa angkan ni Liadlao. Gamit ang mga katangian at mga itinuro ni Liadlao, namuhay ang lupon ng Drakhan sa isang napakayaman at tahimik na paraan. Gamit ang kanilang natatanging kaalaman, isinaayos nila ang kanilang kapaligiran upang mapalakas ang daloy ng enerhiya. Dahil ditto, patuloy na pumasok ang suwerte at kayamanan sa kanilang komunidad. Ang gawing ito ay kinilala bilang Feng Shui.
Sa panahon ng digmaan at labanan, ipinakita ng kanilang mga mandirigma ang isang kakaibang paraan ng pakikipaglaban. Makikita dito ang bahid ng kagandahan at kakisigan. Gamit ang kanilang angking gilas at galing, nilupig nila ang kanilang mga kalaban. Natutunan din nilang gamitin ang mga elemento sa kanilang paglaban at ginamit nila ang mga ito upang pagyamanin pa ang kanilang paraan ng pakikidigma.

Ginamit nila ang imahen ng isang Dragon sa kanilang mga dambana. Ayon sa mga alamat ang Dragon ay isang dakilang nilalang na pinaniniwalaang pinaggagalingan ng lakas, kaalaman at ang siyang tag-habi ng tadhana. Naging inspirasyon ito sa mga taga-Drakhan na nag-udyok sa kanila upang abutin ang mataas na kamalayan at kaalaman. Makakamit ito sa pamamagitan ng meditasyon kung saan tila nagiging isa ang isip at katawan ng isang mandirigma. Dahil sa kasanayang ito, nahasa pa ang kanilang paraan ng pakikipaglaban at naging mahiwagang mandirigma sila. Naniniwala sila sa walang katapusang posibilidad at kapangyarihan ng isip.

Ito ang landas ng isang Drakhan, isang landas ng kaalaman, hiwaga at kakisigan patungo sa mataas na kamalayan at sa rurok ng mga sining.